Mas sumaya ang back-to-school season ng mga estudyante ng Camarin Elementary School, Caloocan sa ginanap na ‘Back to Eskwela’ Grand Activity Day ng cast ng TV5 series na ‘Ang Himala Ni Niño’ kung saan nanguna sa kasiyahan ang lead child star na si Zion Cruz.
Punong-puno ng exciting performances, contests, at iba’t ibang activities ang event na naghandog ng mga temang kindness, love, at hope na hatid ng bagong TV5 series. Kasama ni Zion sa event ang iba pang cast ng programa na sina Carmi Martin, Dawn Chang, Jay Gonzaga, Achilles Ador, Kenneth Mendoza, Kych Minemoto, Paulo Angeles, Queenay, at K Brosas.
Tampok sa ‘Back to Eskwela’ event ang Ang Himala Ni Niño Quiz Bee Challenge para sa Grade 1, 3, at 5 students; ang Poster Making Challenge para sa Grade 5 students na may temang “Basta’t May Pagmamahal, May Himala sa Araw-Araw;” at ang Slogan Making Contest para sa Grade 5 students na may temang “Kabutihan at Pag-asa!”
Dumalo at sumuporta rin ang mga magulang ng mga estudyante, na lalong nagbigay-diin sa pagpapahalaga sa pamilya at mabuting asal na isinusulong ng ‘Ang Himala ni Niño’ bilang isang co-viewing program para sa buong pamilya.
“Kung ang bawat isa sa atin ay manonood ng ‘Ang Himala ni Niño,’ lahat tayo ay magkakaroon ng positibong attitude o kagandahang asal na makatutulong sa atin upang tayo’y maging isang mabuting bata,” pahayag ni Dr. Naohmie L. Rivera, principal ng Camarin Elementary School.
Umiikot ang kuwento ng serye kay Niño (Zion Cruz) at sa kanyang malalapit na kaibigan na sina Kring Kring (Ryrie Sophia), Buchoy (Kenneth Mendoza), at Joko (Achilles Ador). Matutuklasan ni Niño na ang tunay na himala ay nasa pagmamahal ng pamilya—mga kadugo man o pinagbuklod ng pagkakataon. Sa mga ganitong samahan matututunan ni Niño ang mahahalagang aral ng pagmamahal, pag-asa, at ang biyayang hatid ng mga taong handang sumuporta sa kanya.
Naging isang memorableng araw ang ‘Back to Eskwela’ Grand Activity Day para sa mga estudyante, guro, at mga school heads na nakasama rin sa group pictures with the ‘Ang Himala ni Niño’ cast.
Tutukan ang magandang kuwento ng Ang Himala ni Niño, Lunes hanggang Biyernes, 11:15 AM sa TV5.
Originally published on Abante Tonite.