1

Naku, naku, naku, ha! Dahil seryoso ang dating ng ‘The Kingdom’ movie nina Vic Sotto, Piolo Pascual, aba, may mga nang-iintriga na hindi raw ba natatakot ang isa sa ‘Eat Bulaga’ hosts sa puwedeng kasapitan ng kanilang pelikula sa takilya?

Pero may nagsasabi naman na type nilang mapanood si Bossing Vic sa kanyang first serious movie, ha!

Isa nga sa pinaka-pinag-uusapan ng mga netizens sa social media ngayon ay ang grandiosong pagsasalarawan ng isang alternate reality ng Pilipinas sa pelikulang ‘The Kingdom’

Base sa inilabas na official movie trailer, nakakalula sa ganda ang visuals ng pelikula na mukha talagang ginastusan para isabuhay ang isang altenatibong bersyon ng isang Pilipinas, na hindi nasakop ng mga dayuhan.

Sabi nga ng ibang fans ni Bossing Vic, interesting din daw na mapanood ang comedian-TV host na hindi lang nagpapatawa.

Saka kahit naman daw seryoso ang pelikula ni Bossing Vic ay family drama naman ang dating nito kaya puwedeng-puwede pa ring panoorin ng buong pamilya.

Saka Bossing Vic na ‘yan, at may Piolo pa, kaya puwede talagang panoorin ng fans, ‘noh?!

Dagdag pa nga ng iba, ibang klaseng ‘putahe’ naman daw ang ipapatikim ni Bossing Vic sa kanyang mga fans at puwedeng-puwedeng tikman, ha

‘Yun na!

Anyway, sa mundo ng ‘The Kingdom’ ay patuloy na naghahari ang isang monarkiya at maunlad ang bansa sa makabagong panahon kaya si Vic bilang ang hari na si Lakan Makisig at si Piolo Pascual bilang Sulo, isang magsasakang itinatwa ng lipunan, ang mga karakter na may pinakamalalim at makabuluhang kontribusyon sa kuwento ng pelikula at inaabangan talaga ang magiging pagtatagpo nila sa pelikula.

Ayon nga sa mga fans at critics sa online world na nakapanood na ng full trailer ng ‘The Kingdom’, hindi raw ito isang tipikal na pelikulang nakasanayan na ng mga manonood kaya marami ang nagsasabi na hindi malabong maghari sa takilya si Bossing Vic sa parating na MMFF.

Bongga!

Originally published on Abante.