Hindi inspired sa isyu ng mga nagbabangayang sikat na social media influencer ang pelikulang ‘Livescream’ na pinagbibidahan ni Elijah Canlas na mula sa direksyon ni Perci Intalan.
Ayon sa direktor, matagal nang tapos ang pelikula bago pa nagkaroon ng isyu sina Wilbert Tolentino at Zeinab Harake.
Nagkataon din lang daw na kung kailan ipapalabas sa Vivamax (sa November 9, 2022) ang ‘Livescream’ ay saka naman pumutok sa social media ang isyu nina Wilbert at Zeinab.
Isang maepal na social media influencer na mahilig mag-prank ang role ni Elijah sa ‘Livescream.’ Pero hindi niya in-expect na ang akala niyang prank ding ginawa sa kanya ng isang influencer ay hahantong sa isang krimen na muntik pa niyang ikamatay.
Ang pelikula ay parang babala na rin in a way sa mga mahihilig mag-prank.
In real life, ayon kay Elijah ay hindi pala niya pina-follow ang mga sikat na influencers.
“I don’t really follow influencers, but I do follow some vloggers mas international, mga friend from the industry also. Siyempre, susuportahan mo ‘yung vlogs nila but I do really respect their jobs and careers.
“Hindi ko nga lang kayang gawin ‘yung ginagawa nila. Sa totoo lang gusto ko pero ibang level din ng skills, eh. I do respect them pero it’s not siguro for me lang,” pahayag ng aktor.
Kaya ayaw niya rin daw niyang pasukin ang pagiging influencer dahil bina-value pa niya ang kanyang privacy.
Hindi raw niya type na ipinapakita sa publiko ang lahat ng kanyng ginagawa.
Ang ‘Livescream’ na isang suspense thriller ang itinuturing ni Elijah na most challenging projects niya. Physically at mentally draining daw ito.
Kasama ni Elijah sa ‘Livescream’ ng IdeaFirst Company at Viva Films sina Kat Dovey, Luis Mercado at Phoebe Walker. (Leo Bukas)
Originally published on NewsKo.